Dapat nang bilisan ng Office of the Solicitor General ang pag-usad ng imbestigasyon kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo para makapaghain na ng quo warranto case sa Supreme court.
Ito ang pinahayag ni Senador Sherwin Gatchalian matapos sabihin ng kampo ni Mayor Alice na nagbabalak rin itong tumakbong muli sa 2025 elections.
Paliwanag ni Gatchalian, sakaling mapatunayan na hindi tototoong Pilipino si Mayor Alice ay hindi na siya makakatakbo sa anumang posisyon sa pamahalaan.
Base kasi sa nakasaad sa ating Konstitusyon, natural born Filipino citizens lang ang pwedeng kumandidato at makaupo sa anumang posisyon sa gobyerno.
Binigyang diin ni Gatchalian na dapat na agad maresolba ang citizenship issue ni Guo lalo’t nakatakda na sa Oktubre ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng mga tatakbo sa 2025 midterm elections.
Naniniwala rin naman ang senador na kung sakali mang ituloy ni Guo ang pagtakbo sa eleksyon ay may mga taga-Bamban ring maghahain ng disqualification case laban dito.| ulat ni Nimfa Asuncion