Pinapasubpoena ng Senate Committee on Women si suspended Bamban Mayor Alice Guo, kanyang mga kapatid at ilan pang resource persin matapos mabigong dumalo sa pagdinig ng Senate panel ngayong araw kabilang ang ama nitong si Jian Zhong Guo, ang sinasabing ina na si Lin Wen Yi, at mga kapatid na sina Shiela, Seimen at Wesley Leal Guo.
Bago magsimula ang pagdinig ay binasa ng committee secretary ang excuse letter o ang piwanag ni Guo kung bakit hindi siya makakadalo sa pagdinig.
Ayon kay Guo, nakaapekto na sa kanyang physical at mental health ang stress at anxiety ng kabi-kabilang imbestigasyon na kanyang pinagdadaanan.
Naniniwala rin aniya ang suspendidong alkalde na hindi siya ang tamang resource person sa ginagawang Senate inquiry ng Senate Committee on Women tungkol sa operasyon ng mga POGO.
Samantala, prinesenta naman ni Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality Chairperson Risa Hontiveros ang impormasyon na nakuha mula sa National Bureau of Investigation (NBI) kung saan lumabas na mayroong kapangalan si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sa pagdinig, ipinakita ni Hontiveros ang nakuhang NBI clearance mula sa database ng ahensya kung saan may isang Pilipina may pangalan ding “Alice Leal Guo” na pareho sa spelling ng buong pangalan ni Mayor Guo at pareho rin ang petsa ng kanilang kapanganakan na July 12, 1986.
Pero ibang iba ang itsura ng dalawa.
Tanong tuloy ni Hontiveros, isa ba itong kaso ng “stolen identity” at ginamit lang ba ito ni Mayor Guo para makatakbo sa public office sa Bamban, Tarlac.| ulat ni Nimfa Asuncion