Bilang pagpapakita ng suporta sa development agenda na inilatag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang ikatlong SONA, nangako si House Appropriations Committee chairman Elizaldy Co na mapaglalaanan ang mga ito ng sapat na pondo.
Mahalaga aniya na may kauukulang budget ang mga programa para ito ay magtagumpay
“Ang tagumpay ng bisyon ng Pangulo ay nakasalalay sa kakayahan nating maglaan ng pondo kung saan ito pinakakailangan. Naitakda na ng Pangulo ang mga malinaw na prayoridad na magpapaunlad sa ating bansa, at tungkulin kong tiyakin na matutugunan ang mga ito sa pamamagitan ng angkop na suporta sa pananalapi upang maging realidad,” aniya.
Kasama sa bibigyang prayoridad ni Co na mapondohan ang Legacy Projects sa pagkain, pangangalagang pangkalusugan, pabahay, edukasyon, at pagpapa-unlad ng imprastruktura.
Giit ng Ako Bicol Party-list solon, mahalaga ang pagpapaunlad ng agrikultura at mga modernong pamamaraan ng pagsasaka para makamit ang kasapatan sa pagkain at mapababa ang presyo ng bigas at iba pang pangunahing bilihin.
Kaya naman sa atas aniya ni House Speaker Martin Romualdez, ang kanyang komite ay maglalaan ng pondo para sa irigasyon at fertigation, contract farming, pamamahagi ng binhi, at mekanisasyon ng sakahan.
Sa kabuuan, positibo ang Bicolano solon sa ikatatagumpay ng mga bagong programang inilatag ng Presidente.| ulat ni Kathleen Forbes