Sa botong 22 na Senador ang pabor, walang tutol at walang nag-abstain, pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang batas na layong amyendahan ang ‘Doble Plaka’ Law (Senate Bill 2555).
Sa ilalim ng naturang panukala, rerepasuhin ang Republic Act 11235 o ang Motorcycle Crime Prevention Act.
Ayon kay Ssenate Ccommittee on Justice chairman Senador Francis Tolentino, layon ng panukala na tugunan ang mga concern ng mga motorcycle rider habang tinitiyak pa rin ang kaligtasan ng publiko.
Kabilang sa mga nakapabloob sa panukala ang pag-aalis ng ‘doble plaka’ requirement at sa halip ay ang pagsusulong ng paggamit ng Radio Frequency Identification (RFID) technology.
Layong ring imandato na ilagay ang mga RFID sticker sa harap ng mga motorsiklo, kapalit ng mga orihinal na decal plates.
Bababaan rin ang parusa sa mas resonableng lebel mula P5,000 hanggang P10,000 para sa karamihan sa mga paglabag.
Itinatakda rin nito na bibigyan ang mga may-ari ng motorsiklo ng hanggang June 30, 2024 para magpa renew ng kanilang rehistro at ang Land transportation office (LTO) ng hanggang December 31, 2025 para mag isyu ng mga plaka.| ulat ni Nimfa Asuncion