Inilunsad na ng Bureau of Immigration (BI) ang bagong online system nito para sa pag-aapply ng special study permits (SSP) para sa mga dayuhang estudyante na nais mag-aral dito sa bansa.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, bahagi ito ng initiyatibo ng BI na gawing moderno ang kanilang mga serbisyo na nakahanay sa “Bagong Immigration patungo sa Bagong Pilipinas.”
Ang SSP ay kinakailangan ng mga foreign student na naka-enroll sa bansa mapa-short-term o non degree na kurso, mga trainee, intern, at mga nasa aviation programs. Maaaring gamitin ng mga aplikante ang online portal ng BI sa pamamagitan ng pagbisita sa e-services.immigration.gov.ph para sa mas mabilis at transparent na pagproseso ng SSP.
Binanggit din ni Tansingco, na sa pamamagitan ng online system na ito ay mababawasan ang korapsyon at mapapadali ang mga transaksyon na magdudulot ng mas maginhawang serbisyo.
Maliban sa SSP, alok din ng online portal ng BI ang mga serbisyo tulad ng extension ng visa, aplikasyon para sa dual citizenship, tourist visa extension, at marami pang iba.
Inaasahan ding sa hinaharap ay madaragdagan pa ang inaalok na serbisyo ng online portal ng Immigration. | ulat ni EJ Lazaro