Humarap sa ikalawang pulong ng Quad Comm ng Kamara ang dalawang indibidwal na dawit sa pagkamatay ng tatlong Chinese national na pawang convicted drug lords sa Davao Prison and Penal Farm noong 2016.
Inilahad nina Fernando Magdadaro at Leopoldo Tan kung paano nila nagawang patayin sa loob ng maximum security compound, partikular sa bartolina ang mga Chinese national na sina Chu Kin Tung, Li Lan Yan at Wong Mien Pin.
Sa sinumpaang salaysay, isiniwalat ni Tan na inalok sila ng pera kapalit ng pagpatay sa tatlong drug lords at walang dapat ikabahala dahil mayroon itong “basbas mula sa itaas”.
Ang pangako ay “isang manok” o P1 milyong kada ulo.
Maliban dito, pinangakuan rin sila na makakalaya dahil kakasuapin umano ang presidente.
Ang nakipag-usap naman sa kanila para sa naturang ‘trabaho’ ay si SPO4 Arthur Narsolis na kaibigan ni Tan.
Aminado sina Tan at Magdadaro na dismayado silang hindi natupad ang pangakong pera at kalayaan.
Dahil naman dito, nagmosyon si Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na imbitahan sa susunod na pagdinig si Narsolis, pati na si Col. Edilberto Leonadro na siyang Chief ng CIDG 11 at Lt. Col. Royina Garma na pawang superior ni Narsolis.
Kasama na rin ang noo’y Penal Institution Supervisor na si Gerardo Padilla na nagpalabas kina Tan at Magdadaro para makausap si Narsolis. | ulat ni Kathleen Forbes