Nasa 23 overseas Filipino workers (OFWs) mula sa CALABARZON ang nakatanggap ng tulong-pangkabuhayan mula sa Department of Migrant Workers (DMW).
Ito ay sa ginanap na Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Lipa City, Batangas.
Pinangunahan ni DMW Assistant Secretary Venecio Legaspi ang pamamahagi ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng Php10,000 sa 18 OFW-beneficiaries sa ilalim ng Livelihood Program for OFW Reintegration at Balik Pinay Balik Hanapbuhay.
Habang ang limang OFW-beneficiaries naman ay nakatanggap ng Php30,000 sa ilalim ng DMW Aksyon Fund.
Ang naturang mga programa ng DMW ay sumusuporta sa pagsisikap ng mga OFW at kanilang pamilya sa pagnenegosyo at pangkabuhayan.
Samantala, binigyang pagkilala ng DMW ang mga OFW na itinuturing na mga makabagong bayani ngayong ipinagdiriwang ang National Heroes Day.
Sa mensahe ng ahensya, nagpasalamat ito sa mga OFW sa kanilang katatagan at sakripisyo para kanilang pamilya at sa bansa.| ulat ni Diane Lear