Muling pinaalalahanan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na may karapatan sa 20 percent fare discount sa pampublikong transportasyon ang mga estudyante may pasok o wala basta’t may maipakitang student ID o certificate of enrollment.
Alinsunod sa Republic Act No. 11314 o ang Student Fare Discount Act, ang mga estudyante mula sa elementarya, high school, technical-vocational, at kolehiyo ay maaaring makakuha ng diskwento kahit na holiday, sem-break, Sabado, o Linggo.
Pinagtibay ng LTFRB ang batas para sa mga estudyanteng sasakay ng mga public utility buses (PUBs), public utility jeepneys (PUJs) modern o traditional, taxi, at iba pang pampublikong sasakyan.
Samantala, hindi kasama sa mga makakatanggap ng diskwento ang mga naka-enroll sa mga post-graduate degree courses at sa mga di-pormal na maikling kurso tulad ng dancing, swimming, music, driving at seminar-type na mga kurso.
Ayon sa LTFRB, ang mga tsuper o konduktor na lalabag sa nasabing batas ay papatawan ng mga kaparusahan na suspension ng driver’s license at kaukulang multa.
Pinapayuhan ang mga estudyante na pinagkaitan ng diskwento, na maaaring i-report sa Public Assistance and Complaints Desk o social media accounts ng LTFRB. | ulat ni Rey Ferrer