Malugod na tinanggap ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año ang pagbisita sa bansa ni Permanent Court of Arbitration (PCA) Secretary General Marcin Czepelak.
Ang kauna-unahang pagbisita sa bansa ng opisyal ay kasabay ng pagdiriwang ng PCA ng kanilang ika-125 anibersaryo.
Sa isang statement, binigyang diin ni Sec. Año ang kahalagahan ng PCA sa mapayapang pagresolba ng mga international dispute, partikular sa South China Sea.
Ayon sa kalihim, ang 2016 ruling ng tribunal na kumilala sa karapatan ng Pilipinas sa kanyang Exclusive Economic Zone sa West Philippine Sea sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS) ay isang “milestone” sa pakikipaglaban ng Pilipinas para manaig ang international law.
Sinabi ng kalihim na ang pagbisita sa bansa ni Secretary General Czepelak ay magandang pagkakataon para mapalakas ang kooperasyon ng bansa sa PCA sa pagsulong ng international law at rules-based order. | ulat ni Leo Sarne