Kumpiyansa si Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro na hindi magtatagumpay ang pagtatangka ng China na buwagin ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Sa kanyang pahayag sa International Military Law and Operations Conference (MILOPS 24) sa Manila Hotel kaninang umaga, binigyang diin ng kalihim na batid ng lahat ng lider sa rehiyon ang ginagawa ng China para lumikha ng kaguluhan.
Tuwirang tinukoy ng kalihim ang China bilang pinakamalaking “disruptor” ng kapayapaan sa rehiyon.
Ayon sa kalihim ang pagkilos ng China ay bahagi ng pagtatangka na lumikha ng isang bagong “world order” na kanilang pangungunahan.
Nanawagan ang kalihim sa mga bansang ASEAN na magkaisa sa pagtatanggol ng “sovereign rights” ng bawat miyembro at pag-usapan na lang sa loob ng ASEAN ang anumang territorial dispute sa pagitan ng miyembro ng samahan. | ulat ni Leo Sarne