Makikipagtulungan ang Australia sa Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) para mapalakas ang “cyber resilience” at “technology security” sa rehiyon.
Ito ang tiniyak ng Australian delegation na pinangunahan ni Australian Ambassador for Cyber Affairs and Critical Technology Brendan Dowling sa kanilang pakikipagpulong kay DND Undersecretary for Capability Assessment and Development Angelito M. De Leon sa Camp Aguinaldo kahapon.
Dito’y ibinahagi ni Ambassador Dowling ang “whole of nation strategy” ng Australia pagdating sa cybersecurity kung saan kabilang ang pribadong sektor sa pagtiyak ng seguridad ng kritikal na imprastraktura.
Ibinahagi naman ng DND ang kanilang plano na i-activate ang Cyber Command sa ilalim ng AFP para sa mas epektibong “cyber defense posture” sa gitna ng mga makabagong banta.
Kapwa pinahalagahan ng dalawang panig ang alyansa ng Pilipinas at Australia at ang nagkakaisang layunin na palakasin ang cyber-defense para sa seguridad at stabilidad ng rehiyon. | ulat ni Leo Sarne