Isinusulong ng mga senador na mabigyan ng Senate Medal of Excellence si 2-time Olympic gold medalist Carlos Yulo.
Sa Senate Resolution 1105 na inihain ni Senador Joel Villanueva, sinabi nitong itinaguyod ni Yulo ang watawat ng Pilipinas sa nakamit nitong record-breaking achievment sa 2024 Summer Olympics.
Sinabi ni Villanueva na nararapat lang bigyan ng pinakamataas na pagkilala ng Senado ang world-class talent, hindi matatawarang determinasyon, at commitment nito sa kahusayan.
Sinabi naman ni Senador Juan Miguel Zubiri sa inihain niyang Senate Resolution 1108 na ang pagbibigay ng Senate medal of Excellence kay Yulo ay hindi lang pagkilala sa natatanging kakayahan at talento ni Yulo kundi maging sa pagiging makabayan nito.
Isa aniya itong paraan ng pasasalamat kay Yulo para sa pagdadala nito ng bandila ng Pilipinas at sa pagpapakita sa buong mundo ng puso at diwa ng pagiging Pilipino.
Samantala, kinilala naman ni Senate Ppresident Pro Tempore Jinggoy Estrada ang tagumpay ni Yulo bilang halimbawa ng kung ano ang kayang ibunga ng pagsisikap, disiplina, tiyaga at commitment to excellence.
Ang Senate Medal of Excellence ay iginagawad para kilalanin, bigyang pugay at parangalan ang mga Pilipino na nakapagpamalas ng katangi-tanging serbisyo, tagumpay at nakapagbigay kontribusyon sa nation-building.| ulat ni Nimfa Asuncion