Tinatayang umabot sa 41 metriko toneladang basura mula sa Baseco Beach sa Lungsod ng Maynila ang matagumpay na nalikom sa isinagawang paglilinis ng baybayin sa pangunguna ni Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto bilang pakikiisa sa ika-39 na International Coastal Cleanup Day.
Sa isinagawang cleanup, na nilahukan ng halos 100 organisasyon, nakaipon ang mga ito ng mga basura na aabot sa 12 trak na siyang hinakot naman ng trak mula sa Department of Public Services.
Ilan sa mga nakolektang basura, ay binubuo ng biodegradable, non-biodegradable, at recyclable materials, na siyang dinala sa materials recovery facility ng lungsod. Ang mga recyclable materials ay muling gagamitin upang gawing mga upuan, coasters, at iba pang produkto, kabilang ang mga ginamit sa mismong kaganapan.
Maliban sa Baseco Beach, may siyam na iba pang pangunahing identified cleanup sites sa Metro Manila na kinabibilangan ng SM By The Bay, Pasay City; Las Piñas – Parañaque Wetland Park (LPPWP); Tanza Marine Tree Park (TMTP), Navotas City; Manila Baywalk Dolomite Beach; Coastal Area, Brgy. Bagumbayan North, Navotas City; Marikina River, Brgy. Nangka, Marikina; Pasig River (Baseco Riverside); bahagi ng Manila Bay sa Manila Ocean Park; at sa ASEANA Business Park.
Bahagi ang nasabing kaganapan sa pandaigdigang inisyatiba na inilunsad ng Ocean Conservancy noong 1986 na naglalayong alisin ang mga basura sa mga baybayin at panatilihing malinis ang karagatan.| ulat ni EJ Lazaro