Tinatayang umabot na sa 90% o katumbas ng P103.5 bilyon ang kabuuang Health Emergency Allowance (HEA) ang nabayaran na ng Department of Health (DOH) para sa mga health workers.
Ito ay matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang natitira pang P27.3 bilyon mula sa kabuuang pondo ngayong taon. Sa ngayon, 64% ng nasabing halaga ang naipamahagi na nitong Septyembre 20.
Sa kabuuan, natugunan na ng DOH ang mahigit sa 14.5 milyong claim mula sa mga health workers, at nakapagbayad na sa 2,070 health facilities mula sa bilang na 2,853. Gayunpaman, 517 pasilidad ang kinakailangang tapusin ang mga memorandum agreement bilang pagsunod sa Commission on Audit (COA) guidelines, at 649 na nangangailangang magsumite ng liquidation ng mga paunang bayad.
Nagpahayag ng kanilang pasasalamat ang mga health workers mula sa iba’t ibang ospital, kabilang ang Cardinal Santos Medical Center, sa pagtanggap ng kanilang karampatang allowance habang pinuri ng Gentri Medical Center sa General Trias, Cavite ang mga pagsisikap ni Pangulong Marcos at Health Secretary Teodoro Herbosa sa pag-facilitate ng mga HEA payment.| ulat ni EJ Lazaro