Dumating na sa Pasig City Jail pasado alas-5 ng hapon ang convoy ng mga kapwa akusado ni Pastor Apollo Quiboloy.
Ang apat na akusado ay ineskortehan ng mga pulis na naka-full battle gear.
Tiniyak ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na nakahanda na ang piitan para sa apat na co-accused sa kaso ni Quiboloy.
Iginiit din ni BJMP Spokesperson Jayrex Bustinera na walang magiging VIP treatment kina Jackielyn Roy, Ingrid Canada, Crisente Canada at Sylvia Cemañes.
Makakasama raw nila sa piitan ang ibang mga inmate.
Ayon kay Bustinera, sumasailalim na sa booking at medical procedure ang apat na kapwa akusado ni Quiboloy.
Nauna naman dito ay kinumpirma ni Atty. Mark Tolentino na abogado ni Quiboloy na naghain sila ng motion for reconsideration para hindi na mailipat ang apat na co-accused mula sa PNP Custodial Center patungo sa Pasig City Jail. | ulat ni Diane Lear