Muling iginiit ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na makatuwiran ang ginawa nitong pag-terminate sa kontrata ng AllCard dahil sa mga pagkakaantala ng kumpanya.
Ayon sa BSP, ang hakbang na ito ay para protektahan ang interes ng gobyerno at ng Philippine Statistics Authority (PSA), na nangunguna sa pagpapatupad ng Philippine Identification System (PhilSys). Sa pagpapatigil ng kontrata, mas malaya na ang PSA na makahanap ng mas mabilis na solusyon sa pagkaantala ng produksyon ng national ID.
Bagama’t wala pang natatanggap na opisyal na court order ang BSP, ipinadala ng AllCard ang kopya ng isang umano’y utos noong ika-18 ng Septyembre, 2024. Sinabi naman ng BSP na kikilos ito kapag natanggap na nila ang sinasabing opisyal na dokumento o utos mula sa korte.
Nilinaw din ng BSP na limitado lamang ang papel nito sa pag-imprenta at pag-personalize ng national ID cards bilang tulong ng ahensya sa PSA, at ang kontrata sa AllCard ay para lamang sa mga kagamitan at materyales sa paggawa ng ID, gayundin ang pagbibigay nito ng technical support.
Ang usapin ay kasalukuyang dinidinig sa Philippine Dispute Resolution Center, kung saan aktibong nakikibahagi ang BSP sa mga kumpidensyal na arbitration proceedings.| ulat ni EJ Lazaro