Sa pakikipagtulungan sa QC LGU, umarangkada ngayong umaga sa Quezon City Hall ang “Tuloy Biyahe Program: Tsuper Onboarding Roadshow” ng on-demand delivery platform na Lalamove.
Ayon kay Lalamove Managing Dir. Djon Nacario, layon nitong bigyan ng pagkakataon ang mga drayber na maging sarili nilang boss, at magkaroon ng dagdag kita bilang accredited partner drivers.
“Our Tuloy Biyahe program goes beyond just helping drivers find work. It’s about helping them become more financially independent. We want to see them succeed as entrepreneurs and build a brighter future for their families.”
Kasama sa programa ang driver onboarding activation kung saan pwede agad maging accredited partner driver sa loob lang ng isang oras.
Bukod sa driver onboarding, tampok din sa naturang roadshow ang vehicle loan lane sa pamamagitan ng Lalamove automotive kung saan maging ang mga driver na walang sasakyan ay may pagkakataon ding maging accredited partner drivers.
Maaari ring maging partner driver sa pamamagitan ng ‘matching’ sa isang Lalamove-verified fleet operator na nangangailangan ng mga driver para sa kanilang rehistradong sasakyan.
Sa mensahe naman ni QC Mayor Joy Belmonte, sinabi nitong umaasa siya na matulungan din sa programa ang displaced PUJ drivers na naapektuhan ng modernization program.
Una na ring lumarga ang roadshow sa Northern at Central Luzon kung saan nasa 2,000 ang na-activate na partner drivers habang dito sa Metro Manila, target din na i-rollout ang programa sa Valenzuela at San Juan City. | ulat ni Merry Ann Bastasa