Humarap sa Quad Committee ng Kamara ang dating alkalde ng Iloilo City na si Jed Patrick Mabilog.
Nitong September 10 lang nang magbalik bansa si Mabilog matapos ang pitong taong pagtatago matapos makakuha ng asylum sa Amerika dahil sa takot sa buhay niya at para sa kaniyang pamilya.
Naging emosyonal si Mabilog nang ilahad ang kaniyang pinagdaanan matapos masali sa PRRD drug list at pagbantaan pang ipapatay.
“Masakit at malungkot, ngunit napilitan akong lumisan mula sa aking sinumpaang tungkulin, sa aking pamilya, at sa mga kababayan kong Ilonggo na sinumpaan kong pagsilbihan, hindi dahil sa nagkasala ako kundi dahil nanganganib na po ang aking buhay. I come before you today not merely to recount my sufferings but to highlight a critical flaw in our system — one that allows law enforcement agencies to be weaponized for political purposes, that illegal drug trade stems from the ills of our society — from poverty to corruption of government institutions including our law enforcement agencies,” saad ni Mabilog.
Sabi pa ni Mabilog, dapat magsilbing aral ang nangyari sa kanya na ano mang alegasyon ay dapat munang vina-validate at ino-authenticate bago isapubliko.
Nagpasalamat naman si Mabilog sa Quad Comm sa pagbibigay pagkakataon sa kaniya na malinis ang kaniyang pangalan.
“Accusations must be duly validated and authenticated first before any public announcement to avoid shaming and destroying the honor, reputation, and good image of a hardworking and innocent person. Higit sa lahat, panagutin ang mga umaabuso sa kapangyarihan. Sana ang nadanasan kong paghihirap na durog na durog, persekyusyon at trauma ay hindi na maranasan ng iba at mananaig ang katotohanan at hindi ang pamumulitika o personal na interes ng iilan. Maraming salamat sa Quad Committee na ito, dahil nabigyan ako ng pagkakataon na linisin ang aking pangalan at ng minamahal kong Iloilo,” dagdag pa ni Mabilog.
Nang mausisa naman ang alkalde kung ano sa tingin niya ang dahilan kung bakit siya idinawit ng dating presidente sa iligal na droga, wala aniya siyang maisip na ibang dahilan kung hindi dahil sa pulitika.
“Una po sa lahat I declare that I was not and never will be a drug protector! I don’t know personally nor did I benefit in any way from any illegal drug personality in Iloilo or anywhere else. Pero kung inyong titingnang maigi, isinama ang mga pangalan ng kalaban sa pulitika sa isang validated list ng mga drug personalities sa kasunod na PRRD list,” ani Mabilog.
Pero para kay Mabilog, matagal na niyang napatawad si dating Pang. Duterte. | ulat ni Kathleen Forbes