Hindi oobligahing dumalo sa pagdinig ng Quad Committee sa Mababang Kapulungan ng Kongreso si Dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaugnay ito ng kontrobersyal na isyu ng Extra Judicial Killings (EJK) sa kasagsagan ng war on drugs ng nagdaang administrasyon.
Sinabi ni Surigao Representative Robert Barbers, bagama’t may mga imbitasyon nang ipinadala ang Kamara sa dating Pangulo, hindi nila ito pipilitin bilang “courtesy.”
Lalupa’t wala pa naman aniyang direktang nag-aakusa sa dating Pangulo na may kinalaman sa anumang paglabag sa batas.
Gayunman, patuloy aniyang magpapadala ng imbitasyon ang komite at ito ay ikalulugod ng mga kongresista kung sila ay pagbibigyan ng dating Pangulo.
Pero giit ni Barbers, ibang usapin ang mga dati o kasalukuyang opsiyal na pinatatawag ng Quad Committee dahil posibleng maharap ang mga ito sa contempt kung hindi dadalo sa pagdinig.| ulat ni Rey Ferrer