Nagpalabas ng show cause order ang House Quad Committee laban sa asawa ni dating presidential spokesperson Harry Roque na si Mylah Roque.
Bunsod pa rin ito ng patuloy na hindi pagdalo ni Ginang Roque sa pagsisiyasat ukol sa iligal na POGO sa kabila ng makailang ulit na imbitasyon ng komite.
Si Mylah Roque ay nagsilbing signatory sa lease agreement sa Chinese nationals na nahuli sa isang bahay sa Baguio City na pagmamay-ari ng kumpaniyang PH2, na subsisidiary naman ng kumpanya ng pamilya Roque na Biancham Holdings.
Pawang iniuugnay sa iligal na POGO sa Bamban, Tarlac ang nahuling Chinese nationals.
Kasabay nito ay pinapa-subpoena na rin ang medical records ni Gng. Roque.
Sa mga nauna kasing mga pagdinig na hindi siya dumalo, sinabi ni dating Sec. Roque na bunsod ito ng magkasunod na medical procedure na pinagdaanan ng asawa dahil sa iniindang karamdaman. | ulat ni Kathleen Forbes