Siniguro ng liderato ng Kamara na walang magiging delay sa pagpapatibay ng panukalang P6.352 trilyong 2025 national budget.
Ito ay sa gitna ng hindi pa rin natatalakay na panukalang budget ng Office of the Vice President.
Ayon kay Deputy Speaker David Suarez, hindi mauuwi sa delayed o re-enacted budget dahil nakapag-comply naman na ang iba pang departamento at ahensya sa rekisitos ng batas.
“You mentioned an issue about re-enacted budget, I don’t think that is within any real means, because so far naman all the other departments and agencies have fully complied with the requirements of the law, so ito lang naman talaga, yung issue lang talaga ng Office of the Vice President yung medyo hindi pa namin maintindihan. Ako personally hindi ko talaga maintindihan kung bakit hindi nalang dumalo dito para matapos na ‘to,” sabi ni Suarez.
Giit pa ni Appropriations Vice Chairperson Jil Bongalon, hindi isasakripisyo ng Kamara ang kabuuang national budget dahil lang sa isang ahensya.
“…definitely hindi po kami papaapekto dahil it is our constitutional mandate to pass the budget on time para hindi po masakripisyo yung pondo ng taumbayan for the next fiscal year which is on 2025,” saad ni Bongalon.
Sabi pa ni Assistant Majority Leader Jay Khonghun na imposibleng mauwi sa re-enacted budget dahil nagtatrabaho ang Kamara.
Kaya umaasa ang mambabatas na sana’y isipin din ng OVP ang kapakanan ng mga empleyadong nagta-trabaho sa tanggapan.
“Napaka-imposible noon kasi nga talagang nagtatrabaho ang mga miyembro ng Kongreso para ipasa ‘yung budget on time kung ang tingin ng ating Vice President kaya niyang isabotahe ‘yung pagpasa ng budget ng ating pamahalaan for 2025 hindi po papayagan ng Kongreso ‘yon. Nagtatrabaho po ang mga miyembro ng Kamara para ipasa siya on time at sana ano maisip din ng ating Vice President na diyan din nakasalalay sa budget ng OVP ‘yung mga nagtatrabaho sa kanyang opisina.
Dagdag paliwanag naman ni 1Rider party-list Rep. Rodge Gutierrez, nangyayari lang ang re-enacted budget kapag mayroong hindi mapagkasunduan ang liderato ng dalawang kapulungan, at sa sitwasyon ngayon, procedural matter lang naman ang isyu.
Hanggang ngayon na lamang ang ibinigay na pagkakataon ng Kamara para humarap ang mga opisyal ng OVP para sa huling araw ng budget deliberation ng 2025 budget. | ulat ni Kathleen Forbes