Ipapatawag rin ng House Quad Committee sa kanilang pagdinig si Jian Xin Yan, ang kapatid ng dating presidential adviser na si Michael Yang.
Ito’y matapos mahuli ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Immigration at PAOCC si Yang na kilala rin sa pangalang Antonio Lim.
Ayon kay House Quad Comm Chairperson Dan Fernandez, mahalagang mapadalo si Yang para mabigyang linaw kung paano siya nakabili ng lupa at nakapagtayo ng kumpanya sa Cagayan de Oro gayong isa siyang Chinese national.
Tinukoy ni Fernandez ang kumpanya ni Yang na Philippine Sanjia Steel Corporation kung saan, maging ang mga incorporator aniya ay pawang mga Chinese rin.
Maliban dito, noong taong 2000, nakapagtatag din aniya si Yang na Yangtze Group Trade na pawang sangkot sa importasyon.
Isa dito ang Yangtze Rice Mill na idinadaan ang pagpasok ng bigas sa Golden Sun Cargo Service na pagmamay-ari din ni Yang.
Giit ni Fernandez hindi na lang din sa POGO nagtatago ang Chinese nationals, ngunit maging sa iba’t ibang kumpanya. | ulat ni Kathleen Forbes