Ngayong nandito na sa bansa si dating Mayor Alice Guo, hinikayat ni Senador Sherwin Gatchalian ang dating alkalde na magsabi na ng buong katotohanan tungkol sa operasyon ng Philippine offshore gaming operator (POGO) kapag humarap muli sa imbestigasyon ng Senado.
Giniit ni Gatchalian, na ang patuloy na pagsisinungaling o ano mang pagtatangka na pagtakpan ang mga kasabwat at utak sa likod ng mga operasyon ng POGO ay magdudulot lamang ng mas mabigat na parusa sa kanya.
Nagpaalala naman si Senator Risa Hontiveros sa mga kasamahan niya sa gobyerno na hindi dapat ginagawang social event ang pag-aresto sa isang puganteng sangkot sa patong-patong na kaso gaya ng human trafficking, money laundering, fake identity, gross misconduct, illegal recruitment and detention, at corruption.
Pinaglaruan aniya ni Guo ang mga batas ng Pilipinas, at ginamit nito ang dating posisyon bilang alkalde para makapag-operate ng mga POGO na naging sangkot sa kidnapping, murder, human trafficking, at prostitution.
Kaya naman giit ni Hontiveros, marami itong dapat ipaliwanag sa Senate hearing sa Lunes. | ulat ni Nimfa Asuncion