Umakyat sa 24 ang iniulat na nasawi sa pinagsamang epekto ng habagat at mga bagyong Ferdie, Gener at Helen.
Sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), siyam sa iniulat na nasawi ay sa MIMAROPA; lima sa Region 6; apat sa Region 9, apat sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at dalawa sa Region 7.
Ayon din sa NDRRMC, kasalukuyang sumasailalim sa validation ang iniulat na 13 sugatan at 14 na nawawala.
Sa ngayon ay umabot na sa mahigit 1.3 milyong indibidwal ang apektado ng sama ng panahon sa 1,850 barangay sa 13 rehiyon sa buong bansa.
Sa bilang na ito, mahigit 40,000 indibidwal ang tinutulungan ng pamahalaan sa 291 evacuation center, habang lagpas sa 54,000 indibidwal ang nakakatanggap ng tulong sa labas ng evacuation center. | ulat ni Leo Sarne