Ibinida ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang mga nagawa ng Pilipinas sa pagpapaunlad ng imprastraktura at pagbabago sa bansa.
Ito ang binigyang diin ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan sa kaniyang pagharap sa ika-4 na Philippines-Singapore Business and Investment Summit sa Singapore.
Dito, inilatag ni Balisacan ang mga prayoridad ng administrasyong Marcos Jr. na nakasentro sa pagiging matatag ng ekonomiya sa kabila ng mga hamong kinahaharap gaya ng climate change, cybersecurity at digital transformation.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Balisacan na mayroong 164 na proyekto sa ilalim ng Public-Private Partnership na nagkakahalaga ng P3.2 trilyon.
Kabilang na rito ang physical at digital connectivity, healthcare, water and sanitation, solid waste management at enerhiya.
Habang may 186 infrastructure flagship projects na nagkakahalaga ng halos P10 trilyon kung saan, 29 dito ay nakalaan sa improvement ng irrigation at water resources, siyam sa agrikultura at isa sa power at energy.
Ang mga ito ay pawang nakapaloob sa Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028. | ulat ni Jaymark Dagala
📷: NEDA