Pinamamadali na ng Department of Education (DepEd) ang pagbili sa mga bagong textbook at learning tools na siyang gagamitin ng mga guro at mag-aaral sa susunod na taon.
Ito’y makaraang lagdaan na ni DepEd Sec. Sonny Angara ang DepEd Memorandum No.49 series of 2024 o ang ‘early procurement activities’ para sa agarang pagbili ng mga kagamitang kailangan sa sektor ng edukasyon para sa susunod na taon.
Paliwanag ni Angara, layon nito na maihatid sa tamang oras ang mga kinakailangang kagamitan upang maipadala sa mga paaralan sa malalayo at liblib na mga lugar.
Tiniyak naman ng kagawaran na daraan sa legal na proseso ang pagbili ng mga kagamitan mula sa bidding hanggang sa maisala na ang procurement dito.
Magsisimula ang bidding ngayong Oktubre 2024 at inaasahan namang maigagawad na ang kontrata pagsapit ng Enero 2025. | ulat ni Jaymark Dagala