Nakiusap si Speaker Martin Romualdez sa mga importer ng bigas na huwag pagsamantalahan ang reglementary period bago ilabas ang mga shipment ng bigas dahil maituturing na rin itong hoarding.
Ito ang binigyang-diin ng House Speaker sa ginawang oversight inspection sa Manila International Container Port (MICP) kung saan may nakatengga pang 523 containers ng imported na bigas na may 25 metric tons ng bigas kada container.
Aniya, tila ginagamit ng mga importer ang 30-day period na nakasaad sa Section 1129(d) Customs Modernization and Tariff Act, bago i-pull out ang mga kargamento dahil mas murang iimbak muna ito sa pasilidad ng gobyerno kaysa kumuha ng storage.
“Parang hoarding din ito pero ginagamit ang facilities ng gobyerno, dahil mas mura dito…Magtulungan na lang tayo imbes na mag-isip kayo na tataas yung profit ninyo at the expense ng ating consumers,” saad ng House leader.
Sa pag-iikot aniya nila sa mga palengke, may reklamo sa kakulangan ng suplay ng bigas.
Ngunit nakita naman sa inspeksyon na marami naman ang suplay ng imported rice, pero nakatambak lang.
“We are here to send a clear message: rice hoarding, smuggling, and other illegal activities that threaten the accessibility and affordability of our staple grain will not be tolerated,” giit ni Romualdez. | ulat ni Kathleen Forbes