Suportado ni Sen. Juan Miguel Zubiri ang pananatili sa bansa ng midrange missile system ng Estados Unidos na dinala sa bansa noon pang Abril.
Ginamit ang naturang missile para sa Balikatan o joint military exercises sa pagitan ng Pilipinas at US.
Para kay Zubiri, dapat manatili sa bansa ang mga kagamitang ito hangga’t nagpapatuloy ang agresibong aksyon ng China sa West Philippine Sea.
Nilinaw naman ng senador na hindi naman gagamitin pang-atake ang tinutukoy na midrange missile kundi pandepensa lang.
Una nang binatikos ng China ang pananatili sa bansa ng missile system ng US dahil nagdudulot aniya ito ng tensyon.
Kaugnay nito, sinabi ng mambabatas na dapat nang mamuhunan ang Pilipinas sa ganitong missile defense system at sa modernisasyon ng militar ng Pilipinas. | ulat ni Nimfa Asuncion