Tiniyak ni Senate Committee on Finance chairperson Senadora Grace Poe na dadaan sa matinding pagbusisi ang mga panukalang pondo ng bawat ahensya ng gobyerno para sa susunod na taon.
Ayon kay Poe, sisiguraduhin nilang ang mailalaang pondo sa bawat ahensya ay para sa tamang layunin at na magagastos ito ng maayos.
Ginawa ng senadora ang pahayag sa gitna ng nagiging isyu sa panukalang 2025 budget ng Office of the Vice President (OVP) kung saan tinapyasan ng higit isang bilyong piso ng Kamara ang hinihiling na pondo ng opisina.
Binigyang diin ni Poe na aaprubahan o babaguhin nila ang panukalang budget depende sa merito ng proposal ng bawat opisina, hindi sa kung sino ang nakaupong lider nito.
Aniya, sa huli ay ang nais nila ay magkaroon ng budget na makakatulong sa mga ahensya at opisina ng gobyerno na magampanan ang kanilang mandato na makapagbigay ng napapanahon, episyente at makabuluhang serbisyo sa sambayanang Pilipino. | ulat ni Nimfa Asuncion