Tinalakay ngayong araw, September 26 ang panukalang ₱2.281 bilyong pondo ng Presidential Communications Office (PCO).
Sa kanyang opening statement, binigyang diin ni Sen. Loren Legarda ang mahalagang papel ng PCO sa pagpapaalam at paghubog ng pagkakaunawa ng publiko sa mga inisyatibo at mga serbisyo ng pamahalaan.
Responsibilidad aniya ng ahensya na mapataas ang kalidad at pagiging tama ng mga impormasyong aabot sa publiko at ang pagbutihin ang paraan kung paanong kinakalap, pinoprotektahan, ginagamit at inihahatid ang mga impormasyon.
Nagpahayag naman ng interes ang senador sa ilang mga programa ng ahensya kabilang na ang pagpapatupad nito ng mga Gender and Development (GAD) programs.
Ibinahagi naman ng PCO na kabilang dito ang pagiging lead communications support sa partisipasyon ng Pilipinas sa United Nations Commission on Status of Women.
Isa ring nabigyang pansin ng mambabatas ang Barangay Information Officers Network Summit na layong epektibong maibaba sa mga barangay ang mga impormasyong mula sa pamahalaan.
Dahil may hinihingi pang impormasyon at datos si Legarda kaugnay nito ay sinuspindi muna ang pagdinig ng panukalang pondo ng PCO at itinakda na lang itong talakayin muli sa susunod na linggo. | ulat ni Nimfa Asuncion