Nakakakita na ng pagbaba sa presyo ng bigas sa bansa, tulad ng una nang ipinangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga Pilipino.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Agriculture Asec. Arnel de Mesa na stable ang suplay at presyo ng bigas sa bansa, lalo na sa harap ng inaasahang anihan ng palay at pagdating ng imported na bigas ngayong taon.
Sabi ng opisyal, sa projection ng DA, nasa 20 million metriko tonelada ang aning palay ng bansa para sa taong ito.
Sa presyo, nasa P42 ang imported rice per kilo, habang P45 per kilo ang local rice.
“Sa presyo naman, nakita na natin mayroon na tayong P42 sa imported rice, ang local natin is P45,” – Asec. de Mesa.
Sabi ng opisyal na pagpasok ng Oktubre, magkakaroon pa ng magandang pagbabago sa linyang ito na mararamdaman hanggang sa Enero ng susunod na taon.
“So, iyong coming from P50 na mataas na presyo, iyong pangako ng ating Pangulo na nagsisimula ng bumaba iyong pagbaba ng presyo ng bigas, nararamdaman na natin ngayon. At doon sa projection din ni (DA) Secretary Kiko (Francisco Tiu Laurel), by October ay magkakaroon na rin talaga ng significant changes hanggang January na presyo ng bigas,” – Asec. de Mesa. | ulat ni Racquel Bayan