Ininspeksyon ngayong araw ng mga opisyal ng Commission on Elections ang makabagong printing machines na dinala sa National Printing Office at gagamitin para sa pag-imprenta ng mga balota sa 2025 midterm elections.
Dalawang HP Pagewide Machines ito na gawa sa US at binili ng nanalong election provider na MIRU Systems Co. Ltd para sa pag-imprenta ng mga balota.
Ayon kay Tony Paguirigan, Category Manager ng HP Pagewide Industrial, nasa halos isang milyong kopya ng balota ang kayang iimprenta ng dalawang makina kada araw.
Fully automated din ito kaya malaki rin ang mababawas pagdating sa kakailanganing personnel sa pag-iimprenta.
Bumilib naman si Comelec Chairperson George Erwin Garcia sa makina na kauna-unahang dinala sa Asya.
Ayon sa kanya, umaasa siyang magiging maganda rin ang performance nito oras na magsimula nang mag-imprenta.
Target ng Comelec na masimulan ang printing ng official ballots para sa 2025 elections sa Disyembre at sa tulong ng makina ay tatapusin ito hanggang sa Marso ng 2025. | ulat ni Merry Ann Bastasa