Inaasahang mailalabas na ng Commission on Elections (COMELEC) sa susunod na linggo ang desisyon kung matutuloy ang pagkakaso nila ng ‘misrepresentation’ laban kay dating Mayor Alice Guo.
Sa panayam matapos ang pagdinig ng Senado sa panukalang 2025 budget ng poll body, sinabi ni COMELEC Chairperson George Garcia na hinihintay na lang nilang mapirmahan ang rekomendasyon ng COMELEC Law Department kaugnay ng kaso.
Matapos nito ay agad na isasama ang agenda sa meeting ng COMELEC en banc at magdedesisyon kung itutuloy o hindi ang pagkakaso sa dating alkalde.
Kung sakali, mahaharap si Guo sa kasong kriminal na ‘misrepresentation’.
Kasabay nito, nagpaalala si Garcia sa magahahain ng Certificate of Candicacy (COC) para sa 2025 elections na maging maingat at tapat sa mga impormasyong ilalagay nila.
Ayon sa opisyal, bagamat tila simple lang ang mga impormasyong hinihingi sa COC ay dapat tiyaking tama ang nakalagay dito.
Sinabi ni Garcia na malalim ang implikasyon nito dahil sinumang mapapatunayang nagkamali o nagsinungaling sa anumang impormasyong ibibigay sa poll body ay maaaring makansela ang kandidatura, madiskwalipika, o makasuhan ng criminal case na ‘misrepresentation’ at ‘perjury’. | ulat ni Nimfa Asuncion