Umapela si Senate Majority Leader Francis Tolentino sa Department of Budget and Management (DBM) na agad na solusyunan ang problema ngayon sa budget ng lokal na pamahalaan ng Sulu.
Ito ay kasunod ng naging desisyon ng Korte Suprema na nag-aalis sa Sulu sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa pagdinig ng senador sa proposed 2025 budget ng DILG, ipinunto ni Tolentino na problema ngayon ng Sulu ang pampasweldo at gamit ng lokal na pamahalaan, kabilang na ang Sulu police, dahil sa SC decision.
Sinabi naman ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. na sinubukan nilang hilingin na maging status quo o manatili muna ang dating operasyon sa probinsya ng Sulu pero tinanggihan ito ng ministry ng BARMM.
Nakasaad kasi desisyon ng Korte Suprema na ‘immediately executory’ ito o dapat na agad ipatupad.
Tiniyak naman ng DBM na gumagawa na sila ng paraan para mabigyan ng pondo ang Sulu. | ulat ni Nimfa Asuncion