Hinikayat ngayon ni Speaker Martin Romualdez ang Department of Agriculture at iba pang kinauukulang ahensya ng pamahalaan na palawakin ang pagbebenta ng murang bigas sa buong bansa sa pamamagitan ng Kadiwa centers.
Kasabay nito ay pinapurihan din ng House leader ang paglulunsad ng Bagong Bayaning Magsasaka Rice program sa Nueva Ecija kung saan makakabili ang vunerable sector ng bigas sa halagang P29 kada kilo.
Ang BBM Rice program ay naisakatuparan sa pagtutulungan ng National Irrigation Authority (NIA) at irrigation association members.
Naniniwala si Romualdez sa potensyal ng programa na tugunan ang hamon sa seguridad ng pagkain sa bansa at pagpapababa ng batayang pangangailangan ng bawat pamilyang Pilipino.
Kinilala rin ng Speaker ang DA sa pagtugon sa panagawan na palawigin pa ang maaabot ng Kadiwa centers, kung saan mabibili ang bigas sa halagang P29 kada kilo upang mas maraming mamimili lalo na ang nangangailangan ang magkaroon ng access sa abot kayang bigas.
“Today’s launch of the Bagong Bayaning Magsasaka Rice highlights the unwavering commitment of this Administration to do right by the Filipino, as well as the power of united action to achieve what others thought was impossible,” sabi ni Romualdez.
Ipinaalala pa ng House Speaker ang isa sa mga sinabi ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., noong kaniyang SONA na ang lahat ng tagumpay sa ekonomiya ay walang kabuluhan kung hindi ito nadadama ng ating mga kababayan.
“Sa mga darating na araw at buwan, makikita na ang mga KADIWA centers sa mga palengke at supermarket dito sa Metro Manila at ibang panig ng bansa. Sa pamamagitan ng ating pagtutulungan, makakasiguro ang marami nating kababayang Pilipino—mga benepisyaryo ng 4Ps, ang ating mga senior citizens, mga may kapansanan, at marami pang iba—na sila ay makakabili ng bigas sa halagang hindi lalampas ng tatlumpung piso kada kilo,” saad pa niya.
Kumpiyansa naman si Romualdez na kasabay ng papalapit na panahon ng anihan at pagdating ng mga inangkat na bigas ay lalo pang bababa ng presyo ng bigas sa mga susunod na buwan. | ulat ni Kathleen Forbes