Itinuturing ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na positive development ang anunsyo ng panibagong round ng taas-sahod sa daily minimum wage ng mga manggagawa sa Region 4-A (CALABARZON) at Region 7 (Central Visayas).
Ito ay matapos aprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang P21 to P75 na umento sa arawang sahod sa CALABARZON na ipapatupad simula sa September 30.
Habang P33 to P43 na dagdag naman sa daily minimum wage ang inaprubahan para sa Central Visayas na ipapatupad mula sa October 2.
Gayunpaman, aminado si Estrada na hindi pa rin ito sapat para punan ang tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin kahit na mas mataas ang ibinigay sa ibang lugar sa CALABARZON kumpara sa ipinagkaloob na P35 na dagdag sahod para sa mga manggagawa sa Metro Manila.
Lalo pa aniya ngayong pumasok na ang ‘ber’ months at papalapit na ang kapaskuhan, mas inaasahan pang tataas ang gastusin ng mga ordinaryong Pilipino.
Kasabay nito, hinikayat ni Estrada ang labor sector na patuloy pa ring maghain ng petisyon para sa patas na taas-sahod na makatutugon sa basic needs ng mga manggagawang Pinoy.| ulat ni Nimfa Asuncion