Ipinaaaresto na ng korte si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kaugnay ng operasyon ng iligal na POGO sa nabanggit na bayan.
Ito’y makaraang maglabas ng warrant of arrest ang 3rd Judicial Region, Branch 109 ng Capas, Tarlac laban kay Guo dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Sa ambush interview sa Kampo Crame, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo na nag-ugat ito sa isinampang kaso ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos Jr.
Dahil dito sa pag-abuso sa kapangyarihan ni Guo nang payagan nitong mag-operate ang Lucky South 99 sa lupaing pagmamay-ari ng Boufu sa Bamban.
Ginawa ni Fajardo ang naturang anunsyo ilang oras bago ang pagdating ni Guo kasama ang iba’t ibang law enforcement agencies sa pangunguna ng PNP buhat sa Indonesia.
Dahil dito, mapupunta sa PNP ang kustodiya kay Guo kaya’t pagdating nito sa isang private hangar sa Pasay City ay agad itong idideretso sa Kampo Crame bago dalhin sa Senado bukas (September 6, 2024). | ulat ni Jaymark Dagala