Kinumpirma ni BHW Party-list Rep. Angelica Natasha Co na humingi na sa kaniya ng paumanhin si AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee.
Ayon kay Co, nagkita sila ngayong araw sa Tent City nang maghain ang BHW Party-list ng Certificate of Candidacy.
Nagkataon na naroroon din si Lee na sinamahan naman si Dr. Liza Ong, na naghain ng COC para sa asawa ni Doc. Willie Ong.
Sinamantala na rin ni Co ang pagkakataon para sabihin kay Lee na itama sa publiko ang mga kumakalat na video ng insidente noong budget deliberation na tila pinapalabas na siya ang mali.
“Yes he did (apologize) po. Nagkasabay po kami dito sa filing. I asked him to clarify it to the people naman with what his comms team did to me splicing videos of my face kasi lumabas ako pa ang mali. I told him he knows I’m not one to railroad anything, I’m merely a sponsor of the budget nothing else,” sabi ni Co sa text message sa Radyo Pilipinas.
Matatandaan na inilahad ni Co na nagkainitan sila nina Lee at kapwa appropriations vice chair na si Marikina Rep. Stella Quimbo na nagdulot sa kanilang dalawa ng takot.
Pagdating naman sa ethics complaint, kakausapin aniya niya ang mga kasamahan ukol dito.
Sabi ni Co, kahit humingi na ng paumanhin si Lee ay hindi pa rin makatwiran ang pagsugod aniya ng kasamahang mambabatas sa kanila ni Quimbo.
“Yung sa ethics, I have to ask my colleagues involved as well. There was still the action and it cannot be undone. We shall see pa po,” sabi pa ni Co. | ulat ni Kathleen Forbes