Giniit ni Senate President Chiz Escudero na malaki ang maitutulong ng bagong pirmang batas na Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act para matugunan ang matagal nang problema ng bansa sa mga mag-aaral na hindi makapagbasa nang maayos at hirap sa Math at Science.
Ayon kay Escudero, layon ng naturang batas na mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga estudyanteng pinoy sa pamamagitan ng magandang edukasyon.
Binigyang diin ng Senate President na napapanahon at mahalagang intervention ang batas na ito para matugunan ang learning crisis sa Pilipinas.
Sa ilalim ng batas, ang mga guro, para-teachers at pre service teachers ay aatasang i-tutor ang mga targeted learners mula kindergarten hanggang Grade 10.
Layon rin ng programa na matugunan ang learning loss na idinulot ng COVID 19 pandemic.
Ang ARAL act ay bahagi ng priority measure ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC). | ulat ni Nimfa Asuncion