Hinikayat ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na ikonsidera bilang national security concern ang cybersecurity ng Pilipinas.
Ayon kay Gatchalian, dapat isipin ng DICT na bahagi ng national security ang cybersecurity ng Pilipinas habang wala pang batas kaugnay nito.
Giit ng senador, dapat may ‘sense of urgency’ sa usaping ito lalo’t habang mas nagiging konektado ang mundo ay mas tumataas rin ang insidente ng cyberattacks.
Kaya naman kailangan aniyang tiyakin ng pamahalaan ang kakayahan ng mga kritikal na imprastraktura ng bansa kabilang ang electric transmission lines, mga paliparan, water distribution at iba pa.
Ito lalo na aniya’t mga pribadong kumpanya ang nangangasiwa ng mga ito.
Binigay na halimbawa ng senador ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na dati nang pinangangambahang posibleng ‘vulnerable’ sa cyberattacks.
Matatandaang 40 percent ang share ng State Grid Corporation of China sa NGCP.
Binigyang diin ni Gatchalian na kailangang tiyakin ng gobyerno na protektado ang cybersecurity ng mga kritikal na imprastraktura ng bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion