Tinatayang aabot sa P2.1 bilyong halaga ng pinsala sa agrikultura ang iniwan ng Severe Tropical Storm (STS) Kristine sa rehiyon ng Bicol, ayon sa Department of Agriculture – Bicol.
Mahigit 37,795 na magsasaka at mangingisda ang naapektuhan ng bagyo na nagdulot ng matinding pinsala sa mga pananim, alagang hayop, at imprastrukturang pang-agrikultura.
Ayon sa ulat ng Department of Agriculture, ang kabuuang pinsala ay umabot na sa P2,085,713,040.61, na kinabibilangan ng imprastruktura at makinarya na nagkakahalaga ng P41.5 milyon at mga irrigation system na tinatayang nasa P26 milyon.
Pinaka-apektado ang Camarines Sur na may P1,027,093,896.04 na pinsala, kasunod ang Albay na may P403,850,234.29, at iba pang lalawigan tulad ng Camarines Norte, Masbate, Sorsogon, at Catanduanes.
Sa mga produktong agrikultural, pinakamalubha ang tama sa mga palayan, kung saan halos 33,377 ektarya ang lubog sa baha, na nagdulot ng P1.8 bilyong pagkalugi.
Personal na bumisita si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr. sa Naga City at Bula, Camarines Sur upang alamin ang lawak ng pinsala.
Bilang tugon, agad na in-activate ng DA-Bicol ang kanilang command center bago pa tumama ang bagyo. Pinangunahan ni Lorenzo L. Alvina ng DA Bicol Disaster Risk Reduction and Management Center ang mga relief at rescue operation, katuwang ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Sa ngayon, umabot na sa 2,410 pamilya o indibidwal ang natulungan ng DA-Bicol sa pamamagitan ng pagkain, tubig, at iba pang pangangailangan. Patuloy din ang koordinasyon sa LGUs para sa validation ng pinsala at pagbibigay ng ayuda tulad ng binhi ng bigas, mais, at gulay.
Bilang bahagi ng relief efforts, nagpadala ang NFA ng 2,664 sako ng bigas sa Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, at Sorsogon. Ayon sa NFA-Bicol, sapat ang stock ng bigas para sa rehiyon. | ulat ni Emmanuel Bongcodin | RP1 Albay