Posible pang maipasa ng Senado ang panukalang mandatory Reserved Officers’ Training Corps (ROTC) bago matapos ang 19th Congress ayon kay Senate President Chiz Escudero.
Gayunpaman, aminado si Escudero na may ilang mga isyu pa ang Department of National Defense sa ROTC bill.
Ayon sa Senate leader, base sa pakikipagpulong nila sa DND at sa AFP, kabilang sa mga napag-usapan ang pondong kakailanganin oras na ipatupad ang mandatory ROTC at ang absorptive capacity ng AFP sa mga magsisipagtapos ng ROTC.
Sa pagtaya aniya ng DND, aabutin ng P8 bilyon kada taon ang kakailanganing pondo para sa pagpapatupad ng ROTC.
Kabilang sa mga popondohan ang combat boots, uniform, allowance, stipend ng mga trainer at office supplies.
Isa naman aniya sa mga inaalala ng Defense department kung kaya nila i-absorb ang mga magiging reservist.
Sinabi ni Escudero na mas nais ng DND na i-ugnay ang mga magsisipagtapos ng ROTC sa Office of Civil Defense (OCD) para makatulong sa disaster preparedness and response.
Sa ngayon, rerebyuhin pa ng executive branch kung ano ang gagawin sa ROTC bill lalo’t may mga isyung kailangan pang resolbahin. | ulat ni Nimfa Asuncion