Bukas ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa posibilidad ng pagrepaso ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng pamahalaan.
Ito ay tugon ng DSWD sa pahayag ni Senator Alan Peter Cayetano na kinakailangang suriin muli ang 4Ps program ng ahensya.
Nabatid na sinabi ni Cayetano sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2025 budget ng DSWD, na hindi nagiging epektibo ang programa, lalo na’t marami pa rin sa mga kabataang Pilipino ang nakararanas ng malnutrisyon at pagkabansot.
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, kasalukuyang kasama na sa inihihirit nilang budget para sa susunod na taon ang first 1000 days o ang mga araw mula sa pagbubuntis hanggang bago magtatlong taon ang isang bata, na mapabilang sa mga benepisyaryo ng 4Ps.
Dagdag pa ni Dumlao, may mga natanggap silang ulat na mas magiging epektibo ang programa kung magsisimula na ang pagbibigay ng tulong sa mga benepisyaryo habang ang bata ay nasa sinapupunan pa lamang. | ulat ni Diane Lear