Ipinanawagan ng Embahada ng Pilipinas sa Lebanon sa lahat ng mga Pilipino sa Beirut, sa isang advisory na inilabas nito, na iwasan ang mga lugar na apektado ng mga kamakailang air raid, partikular sa mga lugar ng ang Ras al-Nabaa at Noueiri, kasunod ng dalawang magkasunod na airstrike ng Israel noong Oktubre 10, 2024 na nagresulta sa pagkamatay ng 22 katao at higit 100 sugatan.
Pinapayuhan ng Embahada ang mga Pilipino sa Lebanon na manatiling updated sa pamamagitan ng regular na pagsubaybay sa mga balita mula sa kanilang tanggapan at sa mga local news outlet doon.
Pinaalalahanan din ang mga Pinoy sa lugar na panatilihin ang pakikipag-ugnayan sa embahada at sa Migrant Workers Office upang makakuha ng impormasyon tungkol sa kasalukuyang isinasagawang voluntary repatriation.
Para sa karagdagang mga katanungan o tulong, maaaring makipag-ugnayan sa Embahada ng Pilipinas sa Lebanon sa kanilang ATN hotline o sa mga numero ng MWO-Lebanon na nakapaskil sa official Facebook page nito sa Philippine Embassy in Lebanon. | ulat ni EJ Lazaro