Kahit lagpas na ang 5:00 cut off ng itinakda ng COMELEC sa pagtanggap ng mga Certificate of Candidacy (COC) at Certificate of Nomination and Acceptance (CON-CAN) sa Manila Hotel Tent City ay patuloy pa rin sa pagproseso ang poll body ng mga dokumento ng mga umabot sa itinakdang oras at bitbit ng mga aspirant candidates ang pagsusulong ng iba’t ibang adbokasiya para sa Halalan 2025.
Muling tumatakbo para sa Senado si 2022 Senatorial Candidate David D’Angelo, dala ang kanyang kampanya para sa kalikasan. Nakatuon ang kanyang mga panukala sa paglaban sa climate change at pagpapatupad mga regulasyon sa pagmimina.
Samantala, naghain naman ng kanilang CON-CAN ang Maharlikang Pilipino sa Bagong Lipunan (MPBL) party-list. Layunin nilang palakasin ang sports sa grassroots level, hindi lamang sa basketball kundi pati na rin sa volleyball at e-sports, upang suportahan ang kabataang Pilipino.
Naghain din ng COC si Manibela Chairperson Mar Valbuena para sa pagkasenador. Bagama’t hindi sila tutol sa modernisasyon, tinututulan nila ang pagbawi ng mga prangkisa ng mga jeepney driver.
Sa larangan naman ng legal na usapin, isinusulong ni Atty. Alban ang pag-amyenda sa Family Code kung mahalal sa senado, kabilang na ang pagtalakay sa same-sex marriage at diborsyo, upang itaguyod ang karapatang legal ng bawat Pilipino na tugma sa nagbabagong panahon.
Bukas, October 8, nakatakda ang huling araw ng filing na magsisimula ng 8:00 ng umaga hanggang 5:00 muli ng hapon.| ulat ni EJ Lazaro