Naghain na ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) ngayong araw (October 1) si Quezon City Mayor Joy Belmonte para muling tumakbo bilang alkalde sa lungsod sa 2025 midterm elections.
Kasabay nitong naghain ng COC si QC Vice Mayor Gian Sotto, na muling ka-tandem niya sa pagka-bise alkalde.
Tatakbo ang dalawa sa ilalim ng lokal na partido na Serbisyo sa Bayan Party (SBP).
Sumuporta naman sa COC filing ng mga ito sina dating House Speaker Feliciano Belmonte Jr. at dating Senate Pres. Tito Sotto.
Kasama rin sa COC filing ang buong line-up ng partido para sa pagka-konsehal mula District 1-6.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, nais nitong maipagpatuloy ang lahat ng kanyang priority programs pagdating sa social services, kalusugan, pagiging business at environment-friendly ng lungsod Quezon, mas maraming trabaho sa QCitizens at maiangat sa kahirapan ang mga residente sa lungsod.
Sakaling palarin, ito na ang magiging huling termino nina QC Mayor Joy Belmonte at Vice Mayor Gian Sotto.
Sa ngayon, wala pang ibang kandidato para sa pagka-alkalde ang nagsumite sa QC-Comelec. | ulat ni Merry Ann Bastasa