Kahit tapos na ang 5:00 cut-off para sa paghahain ng COC para sa Halalan 2025, patuloy pa rin ang COMELEC sa pagproseso ng kanilang mga dokumento ngayong araw.
Isa na nga dito ay ang pormal na paghahain ng kandidatura ng TV host na si Wilfredo “Willie” Revillame para sa pagka-senador sa darating na halalan. Ayon kay Revillame, tumatakbo siya upang maglingkod para sa mga mahihirap at sa mga nagugutom. Iginiit din niyang hindi siya makikipag-away sa mga kapwa mambabatas sakaling maluklok sa Senado bagkus ay makikipag-usap ito sa kanila para sa mga inisulong nitong programa.
Isa sa mga pangunahing isusulong ni Revillame na batas ay ang pagpapataas ng diskwento para sa mga senior citizen at persons with disabilities (PWD) mula sa kasalukuyang 20% patungo sa 30%. Nais din niyang magpanukala ng mga batas na partikular na tutulong sa mga mahihirap.
Base sa kanyang konsultasyon sa Commission on Elections (COMELEC), maaari pa umanong magpatuloy si Revillame sa kanyang programa hanggang Pebrero 10. Ngunit, aniya, kung hindi siya magwawagi sa halalan, babalik lamang siya sa kanyang palabas sa telebisyon.
Samantala, kasama ni Revillame sa paghahain ng kandidatura si Sam Versoza, na naghain naman para sa pagka-alkalde ng Lungsod ng Maynila.
Maliban kay Revillame, ilang party-list din ang patuloy na nagpapakilala lagpas sa 5:00 cut-off ng COMELEC kabilang diyan ang Tutok2Win party-list, Ang Batang Quiapo party-list, Babae Ako para sa Bayan party-list, bitbit ang kani-kanilang adbokasiya at programa.| ulat ni EJ Lazaro