Labis na ikinabahala ni OFW Party-list Rep. Marissa Magsino ang napaulat na trafficking in person ng 20 Pilipina sa Cambodia para maging mga ‘surrogate’.
Mas nakaka-alarma aniya dito ay 13 sa mga kababaihang ito ay nasa iba’t ibang stage na ng pagdadalang tao.
Mariin na kinokondena ni Magsino ang pananamantala sa nasagip na mga Pilipina na isang paglabag sa kanilang karapatang pantao at paglapastangan sa dignidad ng mga Pilipina.
Nagpasalamat naman ang lady solon sa Cambodian national police katuwang ang ating pamahalaan sa pagkakaligtas ng ating mga kababayan.
Dahil naman dito, nanawagan din si Magsino sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at DOJ na ayusin ang guidelines sa Referral System Involving Trafficking in Persons Cases.
Nanawagan din siya sa DICT para mapaigting ang pagbabantay sa cybercrimes lalo na ang ang mga illegal recruitment at human trafficking ay kadalasan ginagawa online.
“Ang ating paninindigan laban sa human trafficking ay isang kritikal na aspeto ng ating adbokasiya sa OFW Party-list na itaguyod ang kapakanan at ipaglaban ang karapatan ng ating mga OFW. At sa lumalawak na bitag nito, mas kailangan natin magtulungan upang tuluyang masupil ang krimen na bumibiktima sa ating mga kababayan, at yumuyurak sa dignidad ng ating mga kababaihan.” sabi ni Magsino. | ulat ni Kathleen Forbes