Naging matumal paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) ng mga kandidato sa ikalawang araw ng filing sa COMELEC NCR sa San Juan City.
Sa isang panayam, sinabi ni COMELEC NCR Assistant Regional Director Atty. Jovy Balanquit na inaasahan na nila ang magbabang bilang ng mga maghahain ng COC ngayong araw kumpara kahapon.
Aniya, ito ay dahil may mga superstitious belief din ang ibang mga kandidato sa paghahain ng COC.
‘Yung iba naman ay mayroong mga tinatawag na “strategizing days” para sa mga hindi pa sigurado sa pagtakbo sa pagka-kongresista.
Habang ang iba aniya ay inaayos pa rin ang kanilang Certificate of Nomination and Acceptance (CONA).
Sa kabuuan, umabot lang sa walong kandidato ang naghain ng COC sa pagka-kongresista sa Comelec NCR ngayong araw, kumpara sa 13 na naghain ng COC kahapon.
Inaasahan naman na aabot sa mahigit 100 ang maghahain ng COC simula Oct 1 hanggang Oct 8 sa Comelec.| ulat ni Diane Lear