Matapos ang halos kalahating taon, ipagpapatuloy na ng Senate Committee on Women ang pagdinig nito tungkol sa mga alegasyon ng pang-aabuso ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader, Pastor Apollo Quiboloy sa mga miyembro nito.
Ayon kay Committee Chairperson, Sen. Risa Hontiveros, gagawin nila ang pagdinig sa October 23, Miyerkules, sa ganap na alas-10 ng umaga.
Sinabi ni Hontiveros na susulat pa sila sa korte para mapayagan na makadalo sa pagdinig ng komite si Quiboloy.
Sa kasalukuyan ay nakakulong si Quiboloy dahil sa kinakaharap nitong kasong paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act at kasong Qualified Human Trafficking.
Ibinahagi ng senador na may mga haharap na mga bagong biktima si Pastor Quiboloy sa susunod na pagdinig.
Hinimok din ng mambabatas ang isa sa mga long trusted administrator ng KOJC na si Marissa Duenas na pumasok sa plea agreement sa US at makipagtulungan sa imbestigasyon ng Senado. | ulat ni Nimfa Asuncion